Minsan, mukang wala lang talaga akong pakialam. Nag-se-set up pa nga ako lagi ng pader, ayoko kasi ng masyadong maraming tao sa buhay ko. Pwede mong sabihing trust issues o kung anu-ano pang naiisip mong dahilan, pero ayoko lang talagang masyadong maging attached sa ibang tao, cargo lang yung mga yun e.
Kung ganito ako, pano pa kaya kung lablayp na ang usapan. Pwede na akong maging referee kasi lagi nalang akong nang-di-disqualify ng mga nakikilala ko. Nakakabwisit naman kasi karamihan ng chika bebe ngayon, kanonood ng pbb nahawa na sa mga kontestant. Andami daming drama. Andami daming issue. Yung iba hindi ko na kinikilala ng lubusan, sayang oras, tapos, poblema nanaman.
Pero sa isang kagaya kong mahilig sa mga pinoy movie, alam ko, sa ending, may kapares tayong lahat. Wala nga lang mala-mtv na scene na kadalasan e “Awitin mo at isasayaw ko” ang theme song, pero naniniwala ako, meron tayong kapares lahat sa ending.
Yung gusto kong kapares, ayoko yung pili ni mother lily o kung sino pa mang producer dyan, ayoko rin ng fan favorite. Gusto ko, yung gusto ko talaga. Mag-iisang taon na mula nung narinig ko sa radyo na ang “the one daw” ay negotiable. Hanggang ngayon, hindi ko parin maintindihan yun e, basta ang intindi ko dun, walang magsasabi satin kung sino yung kailangan nating ibigin, kung gusto talaga natin, atak na.
Ang gusto ko? Yung mga babaeng mukang malakas. Gusto ko yung tipong kaya akong itakbo palayo, yung kayang tibagin yung pader kong sine-set-up lagi. Ang poblema, wala pa akong napapanod na ganun e, ang alam ko, mga bidang lalaki gumagawa nun.
Pero, hindi naman sine to e.